Introduksyon
Ang digmaan ng Israel at Hamas ay isang kumplikado at malalim na labanan sa pagitan ng estadong Hudyo na Israel at Hamas, isang organisasyong pulitikal at militar na Palestino. Ang digmaan ay nagdudulot ng malawakang pagdurusa at paghihirap, sa magkabilang panig, dahilan kung bakit dapat nating malaman ang kasaysayan at patuloy na dinamikla nito. Ang primer na ito ay naglalayong magbigay ng isang maikling paliwanag ng mga pinagmulan, pangunahing kaganapan, at nangungunang mga isyu tungkol sa digmaang ito.
1. Kasaysayan
Ang tunggaliang Israel-Hamas ay matatagpuan sa mas malawak na konteksto ng tunggaliang Israel-Palestine na lumitaw sa simula ng ika-20 siglo. Ito ay kulminasyon sa paglikha ng estado ng Israel noong 1948. Ang mga pangunahing isyu ng tunggalian ay ang mga alitan tungkol sa teritoryo, ang kalagayan ng Jerusalem, ang kahihinatnan ng estado ng Palestine at mga karapatan ng mga refugee.
2. Ang Paglitaw ng Hamas
Sa paglipas ng panahon, iba't-ibang Palestinong paksyon ang lumitaw, na nagtataguyod ng iba’t ibang diskarte sa pakikibaka para sa Palestinong karapatan at interes. Ang Hamas, isang akronimo para sa “Harakat al-Muqawama al-Islamiya” (Islamic Resistance Movement), ay lumitaw sa dakong huli ng 1980s. Ang Hamas ay nagsimula bilang bahagi ng “Muslim Brotherhood”, na lumalaban at tumututol sa Israel sa parehong pampulitikal at militar na paraan.
3. Mga Pangunahing Isyu at Mitsa ng Digmaan
Ang tunggalian ay dumaraan sa mga panahon ng relatibong kapayapaan na ginagambala ng mga pagdami ng karahasan na madalas ay sanhi ng mga isyu o suliranin ng mga Palestino. Kabilang sa mga ito ang kalagayan ng Jerusalem, pag-access sa mga banal na lugar, pagtatayo ng mga Israel settlement, mga pambubuska at pambubuyo sa mga relihiyosong lugar, mga sukat at linya sa hangganan, at ang pagpapalipad ng mga rocket sa Israel ng Hamas. Itinuturing ng Israel at ng US na teroristang organisasyon ang Hamas.
4. Ang Tugon ng Israel
Itinuturing ng Israel ang Hamas bilang isang panganib sa kaniyang seguridad dahil sa hindi nito pagkilala sa karapatan ng Israel na maging bansa, ang mga militar na operasyon nito laban sa mga sibilyang Israeli, at ang kanyang malawak na impluwensiya sa Gaza Strip. Bilang tugon, nagsagawa na ang Israel ng mga serye ng operasyong militar na naglalayong matibag ang kakayahan, lakas, at impluwensiya ng Hamas.
5. Ang Blockade ng Israel at Egypt sa Mediterranean Sea at sa Kalupaan ng Gaza
Ang Gaza Strip, isang maliit na baybaying enclave na kontrolado ng Hamas, ay sentral na lugar ng labanan. Ang populasyon nito ay dumaranas ng matinding sosyo-ekonomikong mga paghihirap na sanhi ng blockade ng Israel at Egypt sa Mediterranean Sea at sa kalupaan ng Gaza na pumipigil sa galaw ng mga kalakal, mga tao, at mga materyales sa pagtatayo, na humantong sa mataas na kawalan ng trabaho, kahirapan, at access sa mga pangunahing mga serbisyo.
6. Ang Papel ng mga Rockets at Tunnel
Ang paggamit ng Hamas ng mga rocket at mga tunnel na pampuslit at pag-atake sa teritoryong Israel ay maiinit na usapin. Mula sa perspektibo ng Israel, ang mga aksyon na ito ay direktang banta sa seguridad at soberanya nito, kung kaya’t nagsasagawa ito ng mga operasyong militar upang ma-neutralize ang mga kakayahang ito.
7. Mga Resultang Humanitarian
Ang digmaang Israel-Hamas ay kasalukuyang nagdudulot ng maraming kamatayan sa dalawang panig, lalo na ng mga sibilyan. Ang mataong Gaza Strip ay ulit-ulitan nang namatayan nang libo-libo at nasiraan ng infrastructure sanhi ng mga operasyong militar. Ganito rin ang nangyari sa mga humigit-kumulang 1,300 at 3,300 na Israeli na pinatay at sinugatan ng Hamas nang sila ay tumawid ng border kamakailan lang. Ang mga pagpatay at pagsugat na ito ay umani na ng pagkondenang internasyonal.
8. Ang Mas Malawak na Dinamikong Rehiyonal ng Middle East
Ang tunggaliang Israel-Hamas ay nakapaloob sa mas malawak at masalimuot na sitwasyong geopulitikal sa Middle East. Ang iba pang mga kalahok sa geopulitikang ito, tulad ng Egipto, ang Palestinian Authority, at ilang mga internasyonal na mga tagapamagitan, ay naghahanap ng paraan para magkaroon ng tigil-putukan, magkaroon ng negosasyon, at masuportahan ang mga pagtulong na humanitarian.
Konklusyon:
Upang maunawaan ang tunggaliang Israel-Hamas, nangangailangan ng isang malalim na pag-unawa ng kanyang kontekstong pangkasaysayan, mga pangunahin at maseselang “trigger points”, at mga ugat na isyu.
Ang tunggaliang ito ay may malalim na pinagmulan at nakaugnay sa mas malawak at mas matagal na tunggaliang Israel-Palestine. Ang paghahanap ng isang epektibo at pangmatagalang solusyon ay nangangailangan ng mga epektibong solusyon sa mga hinaing at pangangailangan ng magkabilang panig. Sabihin pa ba, hindi madaling solusyonan ang problemang ito. Kaya nga tumagal ang suliraning ito.
Sabay nito, dapat palakasin ang dialogo, de-escalation ng karahasan, at paggalang sa mga karapatang pantao ng magkabilang panig, isa nanamang mahirap na hamon. Ang pagkakamit ng matibay na kapayapaan ay nananatiling isang mahirap na layunin, na nangangailangan ng makabuluhan at matinding pagsisikap at pagkilos mula sa internasyonal na komunidad, na kailangan upang makamit ang isang komprehensibong solusyon.
No comments:
Post a Comment