Isinilang si Anacleto Enriquez noong Setyembre 25, 1876 sa San Jose, Bulakan, sa malaking tahanan ng kaniyang mga magulang, sina Don Vicente Enriquez y de Jesus at Donya Petrona Sepulveda Fernando y Gatmaytan.
Siyam
ang anak nina Don Vicente at Donya Petrona: anim na lalaki at tatlong babae. Alinsunod
sa edad, sila ay sina: Alfonso, Anacleto, Severina, Victoria, Paula, Vicente
Jr., Jose, Laureano, at Bonifacio.
Matapos
sumiklab ang Rebolusyong Pilipino sa petya Agosto 26, 1896, nahimok ang unang
apat na lalaki na sina Alfonso, Anacleto, Vicente Jr., at Jose
na umanib sa Katipunan.
Naging
matataas na opisyal ng Katipunan ang magkakapatid na Enriquez at pawang
masigasig na lumahok sa maraming matitinding labanan.
Nagpamalas
ng galing at sigasig si Anacleto sa pagpapalawak ng Katipunan sa Bulakan,
Bulacan. Ang unang taguri sa mumunting sangay ng Katipunan sa Bulakan ay
“Balangay Uliran”. Kapagdaka’y pinalitan ito ng ngalang “Brigada Pilar”
sapagka’t dali-daling sumobra sa
tatlong libo ang mga kasapi. Hindi malaon, pumailalim ito sa Balangay at
Sanguniang Apuy ng Malolos, Bulakan.
Mabilis
na napabantog sa hanay ng lumalawak na KKK ang tapang at husay ni Anacleto. Ito
ay bukod sa kaniyang pagka-asintado sa baril, dahilan kung bakit siya
binansagang “Matanglawin”. Dahil sa reputasyong ito, noong Oktubre 20 1896, sa
edad na 20, hinirang siyang Heneral at pangalawang pinuno ng Katipunan sa
Bulacan ni Heneral Isidoro Torres.
Inilahad
ni Tenyente Jose Enriquez, pangalawa sa bunso, kung gaano hinangaan ng mga taumbayan ang
tapang at galing sa pag-oorganisa ni Anacleto Enriquez Mapanganib
ang atas na ito kay Anacleto, sapagkat ang Katipunan noon ay isang lihim na
organisasyon na itinuturing na subersibo ng mga Kastila.. Ang parusa sa pagsapi ay
kamatayan.
Nakadagdag
sa pang-akit ni Anacleto Enriquez ang kaniyang kakisigan, matipunong
pangangatawan, maginoong tikas, magnetikong pagkatao, edukasyong Ateneo, at
prominenteng angkan.
Higit
sa lahat, magaling sa pampulitikang propaganda si Anacleto. Halimbawa,
nagumpisa siya ng isang matagumpay na “kampanyang bulung-bulungan” hinggil sa
mga abuso at kalapastanganan ng mga Espanyol, na mabilis na kumalat sa Bulakan,
Kasama si Gregorio del Pilar, namudmod din siya ng rebolusyonaryong polyeto sa
simbahan ng Bulakan. Dahil sa mga
kabayanihang ito, naging isang alamat si Anacleto Enriquez sa Bulakan, Bulacan.
Si
Hen. Anacleto Enriquez at si Hen. Gregorio del Pilar ay mag-kababata at malapit
na mag-kaibigan. Sa katunayan, ang lugar kung saan isinilang si del Pilar sa
San Jose, Bulakan, Bulacan ay isang bakuran na pagmamay-ari nina Don Vicente at
Donya Petrona.
Sampung
buwan lang ang agwat ng kanilang kapanganakan: Setyember 26, 1876 si Anacleto
at Nobyembre 14, 1875 si Gregorio. Ang palayaw ni Anacleto ay “Etoy” at ang kay
Gregorio naman ay “Goyo”.
Kahit
sa Ateneo Municipal de Manila sa Intramuros, kung saan sila ay magka-klase, ay
nagpatuloy ang pagkakaibigan nina Etoy at Goyo. Kasama sa barkada nila ang
nakababatang kapatid ni Etoy na si Vicente Enriquez Jr., na may palayaw na
“Enteng”.
Dito
marahil nakuha ni Vicente Enriquez Jr. ang tiwala ni Hen. Gregorio del Pilar.
Si Vicente ay aakyat sa pagiging Koronel ng Katipunan at pipiliin ni Hen.
Gregorio del Pilar bilang kaniyang personal na ayudante o “aide-de-camp”: isang
napakalaking responsibilidad. Isa si
Kol. Vicente Enriquez Jr. sa mga kakaunting nakaligtas sa labanan sa Pasong
Tirad noong Disyembre 2, 1899.
Sa
kaniyang kabayanihan sa Pasong Tirad, sinasabi ng mga mananalaysay na kumuha ng
inspirasyon si Hen. Gregorio del Pilar kay Hen. Anacleto Enriquez, na naunang
naging rebolusyonaryong martir nang mag-buwis siya ng buhay, kasama ang mahigit
walong daang Katipunero, sa madugong labanan sa loob ng simbahan ng San Rafael,
Bulakan, noong Nobyembre 30, 1896.
Ayon kay Teodoro M. Kalaw, na sumulat ng isang magandang talambuhay ni Hen Gregorio del Pilar, nang mabalitaan ni Hen. Goyo ang pagkamatay ni Hen. Anacleto Enriquez, siya ay taimtim na nagwika:
“Ano kaya ang sandata ni Etoy nang siya ay masawi sa labanan? Para malaman ko kung paano mag-alay ng buhay para sa bayan."
May makapanindig balahibong kuwento ang lolo ko na si Bonifacio Enriquez, ang bunso ng pamilya.
Noong Nobyembre 30, 1896, nanananghalian sa bahay sina Don Vicente at Donya Petrona. Kasama nila ang dalawang anak na lalaki na hindi lumaban at ang tatlong anak na babae.
Sa humigit kumulang 12:30 ng tanghali, na siya namang oras ng pagkamatay ni Anacleto Enriquez sa San Rafael, nakita nila ang anino ng isang tila lumilipad na malaking ibon sa kisame ng komedor na parang nagpapaalam.
Ang anino ay nagpakita nang ilang segundo, pagkatapos ay lumipad palabas ng komedor sa direksyon ng kanilang salas, at nang kanilang sundan ay lumabas ito sa maluwang na bintana ng salas.
Pagkatapos ng pangitaing ito, lumuhod at pinagdasal ng pamilya Enriquez ang mahal nilang si Etoy.
No comments:
Post a Comment