Ang konsepto ng “bayani” ay galing sa mga sinaunang Griyego. Galing ang konseptong ito sa sinaunang kataga ng mga Griyego na nangangahulugang “tagapagtanggol”. Para sa kanila, ang isang bayani ay isang nilalang na nakagawa ng isang bagay na sobrang labas sa karanasan at pangunawa ng mga karaniwang tao, kung kaya’t nang siya ay namatay, nakapagiwan siya ng isang ala-alang di malilimutan.
Dahil sa ala-alang ito, ang isang bayani ay sinasambang parang isang diyos. Ayon pa sa mga Griyego, ang pagiging isang bayani ay katumbas ng pagpapalawak at pagpapadami ng kung ano ang kayang gawin ng mga ordinaryong nilalang.
Marami sa mga bayaning-diyos
ng Gresya ay nakatulong sa sangkatauhan: kagaya nina Hercules, ang ang
mamamatay-halimaw, si Asclepius, ang unang doktor, si Dionysus, ang diyos ng
alak, mayamang anihan, pagdiriwang, at ng prutas at gulay.
May mga bayani rin ang
mga Griyego na hindi diyos. Si Odysseus, ang hari ng Ithaca at sentrong
karakter ng epikong tulang Odyssey ni Homer, ay hindi diyos, subalit siya ay
tinuturing na bayani ng mga sinaunang Griyego. Para sa kanila, kinakatawan ni
Odysseus ang mga kabutihan at katangian na malapit sa puso ng lipunang Griyego,
bukod sa pagiging modelo niya ng kabutihan
na dapat tularan ng buong Gresya.
Marahil ay sa
“modernong” mundo natin ngayon, wala na ang mga halimaw na kinatakutan ng mga
sinaunang lipunan, pero masasabing kailangan pa rin natin ang inspirasyon ng
mga bayani. Sa panahon ngayon, ang mga bayani natin ay mga sundalong nagpakita
ng katapangan sa digmaan, o kaya’y mga astronauts na ginalugad ang kalawakan.
Bayani rin para sa atin
ang mga siyentipikong nakatuklas ng mga panagip-buhay na gamot, mga taong
naglilingkod sa mga mahirap at kapus-palad, at mga aktibistang lumalaban sa
kawalan ng katarungan sa lipunan. Kung kaya’t walang pingkaiba sina Albert
Einstein, Alexander Fleming, Jonas Salk, Mother Theresa, Jose Rizal, at Ninoy
Aquino, kay Odysseus. Kung paano dinakila ng mga sinaunang Griyego si Odysseus,
ay ganoon din ang pagdakila natin sa mga modernong bayani.
Pagbibigay
Kahulugan sa Ating mga Ambisyon at Pangarap.
Kailangan natin ang mga
bayani sapagkat binibigyang kahulugan nila ang ating mga ambisyon at pangarap.
At ang ating mga ambisyon at pangarap naman, katulad ng tapang at dangal, ay
nagbibigay kahulugan sa ating mga buhay.
Higit pa dito, kinakatawan ng mga bayani ang mga katangian na gusto
nating maging at mga layuning gusto nating matupad.
Kailangan natin ang mga
bayani sapagkat sila ay huwaran ng katapangan at kayang mamuno sa ating
lipunan. Dagdag dito, ang mga bayani ay handang itaya ang kanilang buhay, at
ibuwis ito kung kailangan. Hindi sila nangingiming humarap sa panganib matupad
lamang ang isang mithiin. Hindi ginagawa ito ng ordinaryong tao, kayat kung
nakikita nila ito na ginagawa ng isang bayani, humahanga ang madla at sumusunod
sa liderato ng tinurang matapang na tao.
Maraming naniniwala na
ang sandigan ng ating lipunan ay ang pagpapahalaga sa ating mga bayani. Ito ang
dahilan kung bakit ang ating gobyerno at pribadong sektor ay masugid na
kumikilos upang tiyakin na ang mga taong kumakatawan sa kabutihan ng ating lahi,
walang dili iba kundi ang ating mga bayani, ay iniluluklok sa pedestal at
binibigyang puri.
Ang isang bayani ay
sinumang pumukaw sa iba. Ang katagang ‘bayani’ ay pareho ang kahulugan sa "pinuno" – pareho silang
nakakaimpluwensya ng kanilang kapaligiran at karaniwa’y nagsisilbing huwaran sa
iba. Ating pansinin na ang mga bayani at pinuno ay kapwa hindi nangangailangan
ng isang partikular na puwesto sa kapangyarihan, o kaya’y sa pamahalaan.
Halimbawa, sa
pelikulang “Superman” ang bayani ng Lungsod na Metropolis ay ang “Man of Steel”
kahit hindi siya pormal na bahagi ng gobyerno, kagaya ng pulisya. Kung gayon walang pormal na pamagat o titulo
na kailangan ang mga bayani. Ang kabayanihan niya ay sumisibol mula sa mga
kilos niya at hindi mula sa mga titulo kagaya ng “Dr”, “Atty”, o “Engr”. Sabihin
pa ba, ang isang tunay na bayani ay iyong magaling umaangkop at tumugon sa
kapaligiran kung saan kinakailangan siya.
Ang mga pinuno ng mga
samahan ay nagiging bayani sapagkat nakakatulong sila upang maging modelo ng
mga wastong gawi at pamamaraan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasa-praktika
ng mga pag-uugali at tradisyon ng
organisasyon. Ang mga indibidwal na ito ay maaaring magkaroon ng anumang
pamagat o titulo sa anumang antas o lebel ng organisasyon. Nagiging bayani sila
kapag ang kanilang mga aktibidad ay pinag-uusapan na sa lawak ng samahan
hanggang maging halos alamat na sila.
Maraming mga samahan
ang naghahayag tungkol sa kanilang mga
bayani upang maituro nila sa iba pang samahan kung ano ang nararapat at
inaasahan sa kanila. Ang mga kuwentong ito ay nakatuon sa huwarang mga ugali at
sakripisyo ng mga bayani.
Nakatanim
sa Kultura Natin ang Buhay ng mga Bayani
Ang mga salaysay, at
ang mga mithiing pinanindigan ng mga bayani, ay nakatanim sa kultura ng isang
samahan. Sa Unibersidad ng Pilipina (UP), madalas naming ikinukwento sa aming
mga estudyante ang kabayanihan ng mga aktibista noong Batas Militar ni Marcos,
sapagkat maraming kabutihan at mabuting asal ang mapupulot mula sa kanilang
buhay.
Sa pamamagitan ng pagtalakay
sa mga kuwentong ito, ang pamunuan ng UP ay naghahatid ng mga ideyal na
inaasahan nila na isasabuhay ng mga mag-aaral at kaguruan ng Pamantasan. Sa
gayon ay lumalakas at nagiging dakila ang ating pangkalahatang kultura.
Bagaman hindi
kinakailangan ang mga titulo upang maging isang bayani, madalas ang mga
nagtataglay ng pormal na awtoridad ay nagigin bayani sa mata ng iba. Halimbawa,
bilang isang General Manager, dapat tantuin na siya’y isang bayani ng samahan
dahil sa ang kaniyang titulo ay pinapanood ng mga tao na kaniyang
pinamumunuan.
Binabago ng isang
General Manager ang kanilang pag-uugali upang umakma ito sa mga panuntunan ng
samahan. Ginagawa niya ito sa pagmomodelo ng mga wastong aksyon. Dahil dito,
ang mga tagapamahala ay may malaking responsibilidad na tuparin ang kanilang
tungkulin sa pamamagitan ng pagkilos na may integridad.
Ating tandaan na ang
isang tema sa unang labas ng pelikulang “Spiderman” ay nangangaral na "kasama ng malaking kapangyarihan ay ang
malaking pananagutan". Bilang isang
General Manager, na may pormal na titulo, inaasahan ng balana na ika’y kikilos
nang may etika at alinsunod sa pinakamataas na pagmamalasakit sa samahan.
Sa pelikulang animated
ng Disney, ang "Hercules", ang mga tauhan ay nagdadalamhati sa
kakulangan ng mga bayani. Upang tugunan ang pangangailangang ito, nagsanay at nagsikap si Hercules na maging
isang kampeon na tutugon sa mga pagsusumamo ng mga tao na biyayaan sila ng mga
bayani.
Nakakamangha na kung
paano nabubuo ang mga bayani sa mga opisina, pabrika, o kaya’y digmaan ay
katulad sa paglitaw ni Hercules bilang isang bayani sa mitolohiya. Bilang
karagdagan sa pagpapatampok ng mga kwento tungkol sa kabayanihan, ang mga organisasyon
ay nagdaraos ng mga programa upang sanayin ang mga may potensyal sa kabayanihan
na kawani o kasapi upang malaman nila ang kanilang mga kalakasan, kahinaan. Ang
layunin ng mga pagsasanay ay ang makaimpluwensya ang mga mahuhusay na taong ito
sa karamihan at kalakhan ng samahan.
Ang mga degree sa pagnenegosyo,
tulad ng ‘Master of Management’ (MM) o
‘Master of Business Administration’ (MBA) ay isa pang paraan kung saan ang mga
organisasyon ay nagkakaroon ng mga bayani. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapadala
ng mga kwalipikadong empleyado sa pormal na mga programang pang-akademiko,
kagaya ng UP.
Ang
mga Bayani ay Itinuturo sa Paaralan Bilang Huwaran
Lahat ng mga programa
ng pagsasanay sa negosyo na pang-akademiko ang nagtuturo sa pamamagitan ng
pagbibigay ng mga huwaran, katulad ng mga bayani. Maaaring matuto ang mga tao na kumilos nang
may etika sa pamamagitan ng pagmomodelo ng kanilang pag-uugali at asal mula sa
isang positibong huwaran.
Sa aking pang-graduate
na kursong ‘Human Behavior in Organizations’, ang mga mag-aaral ay nagsusulat
ng term paper kung saan pumipili sila ng isang desisyon ng management sa
negosyo at pinagaaralan nila kung ito ay etikal o hindi. Ito ay sa pamamagitan ng
pagtatalakay sa desisyon sa loob ng ilang magkakaibang konteksto. Ang layunin ko dito bilang guro ay upang kusang maisip ng mga mag-aaral na mag-isip ng mga desisyon na sila
mismo ang gagawa kapag pinuno na sila ng negosyo sa tunay na buhay.
Ang diskarteng ito ay ginagamit
din sa maraming paaralan sa pagnenegosyo kung saan ipinakikita
sa mga pag-aaral ang mga ‘case studies’ upang pag-aralan kung ano ang positibo
o negatibo tungkol sa mga desisyon ng isang pinuno ng negosyo. Ang mga nasabing
‘case studies’ ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng mga huwaran o bayani sa
pagnenegosyo na sana’y magpapatibay ng mga positibong pag-uugali ng mga pinuno
ng mga korporasyon, maliit man o malaki.
Tinuturuan ang mga mag-aaral na iwasan ang mga negatibong pag-uugali na tatalakayin sa mga ‘case studies’ sa kanilang sariling praktika. Pinaaalahanan sila ng mga guro sa mga hindi kanais-nais na aksyon upang maingat nilang maiwasan ang mga ito sa mga aktuwal na sitwasyon, kung saan mahirap bawiin ang mga kamalian.
Higit sa
lahat, tinuturuan silang magpaka-bayani. Ang mga ‘case studies’ ay hitik ng mga
sitwasyon ng kabayanihan, ang paggawa ng mga mahirap na aksyon upang
masolusyonan ang maraming komplikadong problema.
Sa araw-araw na buhay, ang
mga bayani ay napakahalaga. Maging sila
man ay nagbibigay ng aliw, atleta, pulitiko, o pampublikong pinuno, ang mga
bayani ay nagsisilbi ng isang layunin sa ating lipunan. Tumutulong silang
bigyan ang mga tao ng pag-asa, at nagbibigay sila ng wastong halimbawa para sa
tagumpay.
Ang ilang mga bayani ay
nakapagkukuwento ng kanilang tagumpay sa publiko. Sa ganitong paraan,
natutulungan nila ang mga ordinaryong tao na makita ang mundo sa tumpak na mga pamantayan.
Sa pamamagitan ng kanilang marubdob na hangarin na magtagumpay, ang mga bayaning ito ay nagbibigay ng paliwanag at pag-unawa, kung paano nila binuo ang
kani-kanilang mga talento.
Sa kongkreto, ang mga
bayani ay ang mga sumusunod na tao: mga kusang kumilos para maglingkod sa mga
nangangailangan, maging ito man para sa isang indibidwal, isang pangkat, o
isang pamayanan; mga gumawa ng aksyon nang walang anumang inaasahang gantimpala o pakinabang at; mga kumilala at
tumanggap ng panganib o sakripisyo at sa
proseso ay nagpamalas ng kagitingang ginagawa lamang ng mga bayani.
Tungkol naman sa mga
katangian ng mga bayani, ito ang mga sumusunod: matapang, naninindigan,
mapagpasiya, matulungin, matapat, masigla, integridad, mapagtanggol,
masakripisyo, at hindi makasarili.
Ayon sa ibang
mananaliksik, ang pakikiramay o ‘empathy’, ang pangunahing katangian ng
kabayanihan. Ang pakikiramay sa ganitong konteksto ay ang kakayahang maunawaan
ang emosyon ng ibang tao, at kaakibat dito, ang kakayahang isipin at maramdaman
kung ano ang iniisip o nararamdaman ng ibang tao.
Ang mga taong ito ay hindi nagaatubiling tumulong sa iba sa harap ng panganib o kahirapan. Tumutulong sila sapagkat sila ay tunay na nagmamalasakit sa kaligtasan at kagalingan ng ibang tao.
Halimbawa nito ay ang
mga “frontliners’ na mga doktor, nars, at iba pang mangggawang pangkalusugan na
nagaalaga ng mga pasyenteng may Covid-19 sa mga ospital. Kaugnay dito, isang
pag-aaral noong 2009 ang nakatuklas na ang mga taong may mga tendensiyang
magpakabayani ay mataas din ang antas ng pakikiramay o ‘empathy’.
Ang
Isang Bayani ay Nagpapamalas ng Lakas ng Loob
Ang isang bayani ay sinumang
maaaring magpakita ng lakas ng loob kapag nahaharap sa isang problema. Ang
bayani ay taong nakakatulong sa iba`t ibang paraan. Ang isang tao ay maaaring
maging isang bayani sa pagliligtas sa kapwang
nasa panganib. Isa pang halimbawa ng bayani ay yaong tumutulong sa iba upang
bigyan sila ng lakas na magpatuloy sa harap ng mga paghihirap sa buhay.
Ang isang bayani ay
maaaring isang taong nagbigay ng kanyang buhay upang ang iba ay mabuhay. Sa
aking palagay ito ang pinakamataas na antas ng kabayanihan. Ganunpaman, ang
isang bayani ay hindi palaging kailangang ipakita ang tapang. Maaari siyang
matakot ngunit maging isang bayani pa rin. Nakasalalay sa kaniyang pagkilos,
may takot man o wala, ang kaniyang pagkabayani.
Hindi
Kailangan ang Kawalan ng Takot Upang Maging Bayani
Naniniwala ako na ang
mga bayani ay hindi kailangang walang takot para maging isang bayani. Malamang,
karamihan sa mga bayani ay may takot sapagkat sila ay tao tulad ng alin man sa
atin. Ngunit nararamdaman nila ang isang obligasyong moral. Isang tinig sa loob
nila ang nagsabi na kailangang kumilos may takot man o wala.
Maraming beses nang
pinag-uusapan na ang mga bayani ay nakaramdam ng takot sa oras ng kabayanihan o
pag-alay ng buhay. Ngunit masasabing mayroon silang ibang uri ng sobrang lakas
o kalooban na nagtutulak sa kanilang kumilos o gawin ang dapat nilang gawin.
Maaari ding maging mga
bayani ang mg guro o tagapayo sa paaralan. Maaari ka nilang turuan na magbasa o
magsulat at sa proseso ay nagkakaroon ng malaking pagkakaiba ang iyong buhay.
Hindi mo pahahalagahan o tatanawin ang serbisyong ito hanggang ikaw ay matanda na at nagsisimula nang manalamin
ng iyong buhay.
Kung
Wala ang Kabayanihan ng mga Guro
Maupo ka at limiin mo na
kung wala ang guro na nagturo sa iyo kung paano bumasa at sumulat ay hindi ka makapunta
sa kolehiyo at makakakuha ng trabaho. Ang milyon-milyon na kaguruan ang mga
bayani na hindi napapansin araw-araw at hindi nakakakuha ng pagkilala na
nararapat para sa kanila.
Gayundin, pansinin
natin ang mga taong naghahatid at sumusundo sa mga bata araw-araw sa paaralan,
ang mga drayber ng bus o ‘service’ ng paaralan. Nasa kamay nila ang buhay ng
mga maliliit na bata limang araw sa isang linggo. Dinadala nila sila sa
paaralan sa umaga at hinahatid sa bahay sa hapon o sa tanghali. Para sa akin, ang mga ganitong drayber ay mga
bayani. Bayani sila na nakakaepekto sa buhay ng mga maliliit na bata na siyang
lalaki at tatanda upang maging mamamayan ng Pilipinas.
Maituturing din na mga
bayani ang mga taong nagpakita ng pag-uugali at pagpapasya ayon nakamamanghang
etika at emosyon. Nakikita natin sa kanila ang isang bagay na sa palagay natin
ay wala sa atin. Iniisip natin na hindi natin kakayanin, kailanman, sa ilalim
ng anumang kondisyon, ang mga pagkilos o desisyon na ginawa nila. Dahil dito,
inilalagay natin sila sa isang mataas na lugar sa lipunan o sa ating mga
isipan.
Ang
mga Bayani ay Nagtutulak sa Ating Kumilos
Ano ang isang bayani?
Isang taong nagtutulak sa atin upang kumilos o magpasiya, dahil sa kanilang
halimbawa. Sila ay mga tao na tumutusok sa ating emosyon at tayo nama’y
nagkakaroon ng espiritwal na koneksyon sa kanila na parang nabubuhay pa rin
sila.
Maaaring gusto nating iidolo
sila o ilagay sila sa mataas na paggalang. Maaaring gusto nating makasalimuha
sila nang personal upang makamit ang kanilang lakas, talento, at kadakilaan.
Ano ang partikular na
ginagawa ng isang bayani na lumilikha ng inspirasyon sa atin? Ano ang tungkol
sa kanila na gumagawa sa atin na humanga, sambahin o subukang gayahin sila? Sa
maraming mga kaso, ito ay ang kanilang mga nagawa. Walang kapalit ang aksyon
bilang tagapagpakilos ng lipunan.
Halimbawa, ang isang
mahusay na manlalaro ng basketball katulad ni Michael Jordan ay nakagagawa ng mga
kamangha-manghang mga record sa puntos, ‘rebounds’ at ‘assists’. Dahil dito, agad
nating natutukoy na nagtataglay sila ng isang kadakilaan. Sila ay nagiging
idolo o diyos natin. At kapagdaka, sila ay nagiging personal na bayani natin.
May Bayani sa Loob Nating Lahat
Ganito rin ang epekto
sa marami ni Princess Diana, na ginawaran ng titulong ‘Prinsesa ng Bayan’. Sinasamba
siya ng mundo sa kanyang pagsikat mula sa isang simpleng batang babae tungo sa
isang babaeng kinikilala at itinatangi na simbolo ng kabutihan.
Nakakakonekta ang
marami sa kaniya, dahil sa ang kaniyang katauhan mismo ay kumokonekta rin sa
sanlibutan, sa isang kagila-gilalas na paraan. Ang kaniyang
halimbawa ay nagpatunay sa marami na ang mga ‘fairy tale’ ay nagkakatotoo sa
modernong panahon. Sabihin pa ba, si Princess Diana ay isang bayani sa
napakarami.
Sa pagtatapos, hindi na
tayo dapat lumayo sa paghahanap ng mga bayani. Hindi na rin tayo dapat
magpakahirap sa paghahanap ng depinisyon. Naniniwala ako na mayroong tayong isang bayani
sa loob nating lahat. At hindi na ito dapat bigyan ng depinisyon sapagka’t
ito’y nadarama natin sa damdamin natin.
Pinapanatili niya tayong
tapat, nagbibigay siya sa atin ng lakas, ginagawa niya tayong marangal, at sa kahulihulihan
ay pinapayagan niya tayong mamatay nang walang pagsisisi. Kahit na minsan o
ilang beses sa ating buhay ay kailangan nating maging matatag, at isuko ang mga
bagay na pinaka-nanais natin. Pati ang mga pangarap natin. Iyan ang tunay na
kabayanihan.