Friday, November 27, 2020

Bakit Natin Kailangan ang Mga Bayani sa Ating Panahon?

Ang konsepto ng “bayani” ay galing sa mga sinaunang Griyego. Galing ang konseptong ito sa sinaunang kataga ng mga Griyego na nangangahulugang “tagapagtanggol”.  Para sa kanila, ang isang bayani ay isang nilalang na nakagawa ng isang bagay na sobrang labas sa karanasan at pangunawa ng mga karaniwang tao, kung kaya’t nang siya ay namatay, nakapagiwan siya ng isang ala-alang di malilimutan.

Dahil sa ala-alang ito, ang isang bayani ay sinasambang parang isang diyos. Ayon pa sa mga  Griyego, ang pagiging isang bayani ay katumbas ng pagpapalawak at pagpapadami ng kung ano ang kayang gawin ng mga ordinaryong nilalang.

Marami sa mga bayaning-diyos ng Gresya ay nakatulong sa sangkatauhan: kagaya nina Hercules, ang ang mamamatay-halimaw, si Asclepius, ang unang doktor, si Dionysus, ang diyos ng alak, mayamang anihan, pagdiriwang, at ng prutas at gulay.

May mga bayani rin ang mga Griyego na hindi diyos. Si Odysseus, ang hari ng Ithaca at sentrong karakter ng epikong tulang Odyssey ni Homer, ay hindi diyos, subalit siya ay tinuturing na bayani ng mga sinaunang Griyego. Para sa kanila, kinakatawan ni Odysseus ang mga kabutihan at katangian na malapit sa puso ng lipunang Griyego, bukod sa pagiging modelo niya ng kabutihan  na dapat tularan ng buong Gresya.

Marahil ay sa “modernong” mundo natin ngayon, wala na ang mga halimaw na kinatakutan ng mga sinaunang lipunan, pero masasabing kailangan pa rin natin ang inspirasyon ng mga bayani. Sa panahon ngayon, ang mga bayani natin ay mga sundalong nagpakita ng katapangan sa digmaan, o kaya’y mga astronauts na ginalugad ang kalawakan.

Bayani rin para sa atin ang mga siyentipikong nakatuklas ng mga panagip-buhay na gamot, mga taong naglilingkod sa mga mahirap at kapus-palad, at mga aktibistang lumalaban sa kawalan ng katarungan sa lipunan. Kung kaya’t walang pingkaiba sina Albert Einstein, Alexander Fleming, Jonas Salk, Mother Theresa, Jose Rizal, at Ninoy Aquino, kay Odysseus. Kung paano dinakila ng mga sinaunang Griyego si Odysseus, ay ganoon din ang pagdakila natin sa mga modernong bayani.

Pagbibigay Kahulugan sa Ating mga Ambisyon at Pangarap.

Kailangan natin ang mga bayani sapagkat binibigyang kahulugan nila ang ating mga ambisyon at pangarap. At ang ating mga ambisyon at pangarap naman, katulad ng tapang at dangal, ay nagbibigay kahulugan sa ating mga buhay.  Higit pa dito, kinakatawan ng mga bayani ang mga katangian na gusto nating maging at mga layuning gusto nating matupad.

Kailangan natin ang mga bayani sapagkat sila ay huwaran ng katapangan at kayang mamuno sa ating lipunan. Dagdag dito, ang mga bayani ay handang itaya ang kanilang buhay, at ibuwis ito kung kailangan. Hindi sila nangingiming humarap sa panganib matupad lamang ang isang mithiin. Hindi ginagawa ito ng ordinaryong tao, kayat kung nakikita nila ito na ginagawa ng isang bayani, humahanga ang madla at sumusunod sa liderato ng tinurang matapang na tao.

Maraming naniniwala na ang sandigan ng ating lipunan ay ang pagpapahalaga sa ating mga bayani. Ito ang dahilan kung bakit ang ating gobyerno at pribadong sektor ay masugid na kumikilos upang tiyakin na ang mga taong kumakatawan sa kabutihan ng ating lahi, walang dili iba kundi ang ating mga bayani, ay iniluluklok sa pedestal at binibigyang puri.

Ang isang bayani ay sinumang pumukaw sa iba. Ang katagang ‘bayani’ ay pareho ang kahulugan  sa "pinuno" – pareho silang nakakaimpluwensya ng kanilang kapaligiran at karaniwa’y nagsisilbing huwaran sa iba. Ating pansinin na ang mga bayani at pinuno ay kapwa hindi nangangailangan ng isang partikular na puwesto sa kapangyarihan, o kaya’y sa pamahalaan.

Halimbawa, sa pelikulang “Superman” ang bayani ng Lungsod na Metropolis ay ang “Man of Steel” kahit hindi siya pormal na bahagi ng gobyerno, kagaya ng pulisya.  Kung gayon walang pormal na pamagat o titulo na kailangan ang mga bayani. Ang kabayanihan niya ay sumisibol mula sa mga kilos niya at hindi mula sa mga titulo kagaya ng “Dr”, “Atty”, o “Engr”. Sabihin pa ba, ang isang tunay na bayani ay iyong magaling umaangkop at tumugon sa kapaligiran kung saan kinakailangan siya.

Ang mga pinuno ng mga samahan ay nagiging bayani sapagkat nakakatulong sila upang maging modelo ng mga wastong gawi at pamamaraan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasa-praktika ng mga pag-uugali at  tradisyon ng organisasyon. Ang mga indibidwal na ito ay maaaring magkaroon ng anumang pamagat o titulo sa anumang antas o lebel ng organisasyon. Nagiging bayani sila kapag ang kanilang mga aktibidad ay pinag-uusapan na sa lawak ng samahan hanggang maging halos alamat na sila.

Maraming mga samahan ang naghahayag tungkol sa kanilang  mga bayani upang maituro nila sa iba pang samahan kung ano ang nararapat at inaasahan sa kanila. Ang mga kuwentong ito ay nakatuon sa huwarang mga ugali at sakripisyo ng mga bayani.

Nakatanim sa Kultura Natin ang Buhay ng mga Bayani



Ang mga salaysay, at ang mga mithiing pinanindigan ng mga bayani, ay nakatanim sa kultura ng isang samahan. Sa Unibersidad ng Pilipina (UP), madalas naming ikinukwento sa aming mga estudyante ang kabayanihan ng mga aktibista noong Batas Militar ni Marcos, sapagkat maraming kabutihan at mabuting asal ang mapupulot mula sa kanilang buhay.

Sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga kuwentong ito, ang pamunuan ng UP ay naghahatid ng mga ideyal na inaasahan nila na isasabuhay ng mga mag-aaral at kaguruan ng Pamantasan. Sa gayon ay lumalakas at nagiging dakila ang ating pangkalahatang kultura.

Bagaman hindi kinakailangan ang mga titulo upang maging isang bayani, madalas ang mga nagtataglay ng pormal na awtoridad ay nagigin bayani sa mata ng iba. Halimbawa, bilang isang General Manager, dapat tantuin na siya’y isang bayani ng samahan dahil sa ang kaniyang titulo ay pinapanood ng mga tao na kaniyang pinamumunuan. 

Binabago ng isang General Manager ang kanilang pag-uugali upang umakma ito sa mga panuntunan ng samahan. Ginagawa niya ito sa pagmomodelo ng mga wastong aksyon. Dahil dito, ang mga tagapamahala ay may malaking responsibilidad na tuparin ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagkilos na may integridad.

Ating tandaan na ang isang tema sa unang labas ng pelikulang “Spiderman” ay nangangaral na  "kasama ng malaking kapangyarihan ay ang malaking pananagutan".  Bilang isang General Manager, na may pormal na titulo, inaasahan ng balana na ika’y kikilos nang may etika at alinsunod sa pinakamataas na pagmamalasakit sa samahan.

Sa pelikulang animated ng Disney, ang "Hercules", ang mga tauhan ay nagdadalamhati sa kakulangan ng mga bayani. Upang tugunan ang pangangailangang ito, nagsanay at nagsikap si Hercules na maging isang kampeon na tutugon sa mga pagsusumamo ng mga tao na biyayaan sila ng mga bayani.

Nakakamangha na kung paano nabubuo ang mga bayani sa mga opisina, pabrika, o kaya’y digmaan ay katulad sa paglitaw ni Hercules bilang isang bayani sa mitolohiya. Bilang karagdagan sa pagpapatampok ng mga kwento tungkol sa kabayanihan, ang mga organisasyon ay nagdaraos ng mga programa upang sanayin ang mga may potensyal sa kabayanihan na kawani o kasapi upang malaman nila ang kanilang mga kalakasan, kahinaan. Ang layunin ng mga pagsasanay ay ang makaimpluwensya ang mga mahuhusay na taong ito sa karamihan at kalakhan ng samahan.

Ang mga degree sa pagnenegosyo, tulad ng ‘Master of  Management’ (MM) o ‘Master of Business Administration’ (MBA) ay isa pang paraan kung saan ang mga organisasyon ay nagkakaroon ng mga bayani. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga kwalipikadong empleyado sa pormal na mga programang pang-akademiko, kagaya ng UP.

Ang mga Bayani ay Itinuturo sa Paaralan Bilang Huwaran

Lahat ng mga programa ng pagsasanay sa negosyo na pang-akademiko ang nagtuturo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga huwaran, katulad ng mga bayani. Maaaring matuto ang mga tao na kumilos nang may etika sa pamamagitan ng pagmomodelo ng kanilang pag-uugali at asal mula sa isang positibong huwaran.

Sa aking pang-graduate na kursong ‘Human Behavior in Organizations’, ang mga mag-aaral ay nagsusulat ng term paper kung saan pumipili sila ng isang desisyon ng management sa negosyo at pinagaaralan nila kung ito ay etikal o hindi. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatalakay sa desisyon sa loob ng ilang magkakaibang konteksto. Ang layunin ko dito bilang guro ay upang kusang maisip ng mga mag-aaral na mag-isip ng mga desisyon na sila mismo ang gagawa kapag pinuno na sila ng negosyo sa tunay na buhay.

Ang diskarteng ito ay ginagamit din sa maraming paaralan sa pagnenegosyo kung saan   ipinakikita sa mga pag-aaral ang mga ‘case studies’ upang pag-aralan kung ano ang positibo o negatibo tungkol sa mga desisyon ng isang pinuno ng negosyo. Ang mga nasabing ‘case studies’ ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng mga huwaran o bayani sa pagnenegosyo na sana’y magpapatibay ng mga positibong pag-uugali ng mga pinuno ng mga korporasyon, maliit man o malaki.

Tinuturuan ang mga mag-aaral na iwasan ang mga negatibong pag-uugali na tatalakayin sa mga ‘case studies’ sa kanilang sariling praktika. Pinaaalahanan sila ng mga guro sa mga hindi kanais-nais na aksyon upang maingat nilang maiwasan ang mga ito sa mga aktuwal na sitwasyon, kung saan mahirap bawiin ang mga kamalian. 

Higit sa lahat, tinuturuan silang magpaka-bayani. Ang mga ‘case studies’ ay hitik ng mga sitwasyon ng kabayanihan, ang paggawa ng mga mahirap na aksyon upang masolusyonan ang maraming komplikadong problema.

Sa araw-araw na buhay, ang mga bayani ay napakahalaga.  Maging sila man ay nagbibigay ng aliw, atleta, pulitiko, o pampublikong pinuno, ang mga bayani ay nagsisilbi ng isang layunin sa ating lipunan. Tumutulong silang bigyan ang mga tao ng pag-asa, at nagbibigay sila ng wastong halimbawa para sa tagumpay.

Ang ilang mga bayani ay nakapagkukuwento ng kanilang tagumpay sa publiko. Sa ganitong paraan, natutulungan nila ang mga ordinaryong tao na makita ang mundo sa tumpak na mga pamantayan. Sa pamamagitan ng kanilang marubdob na hangarin na magtagumpay, ang mga bayaning ito ay nagbibigay ng paliwanag at pag-unawa, kung paano nila binuo ang kani-kanilang mga talento.

 Pakikiramay o ‘Empathy” ang Pangunahing Katangian ng Isang Bayani

Sa kongkreto, ang mga bayani ay ang mga sumusunod na tao: mga kusang kumilos para maglingkod sa mga nangangailangan, maging ito man para sa isang indibidwal, isang pangkat, o isang pamayanan; mga gumawa ng aksyon nang walang anumang inaasahang  gantimpala o pakinabang at; mga kumilala at tumanggap ng  panganib o sakripisyo at sa proseso ay nagpamalas ng kagitingang ginagawa lamang ng mga bayani.

Tungkol naman sa mga katangian ng mga bayani, ito ang mga sumusunod: matapang, naninindigan, mapagpasiya, matulungin, matapat, masigla, integridad, mapagtanggol, masakripisyo, at hindi makasarili.

Ayon sa ibang mananaliksik, ang pakikiramay o ‘empathy’, ang pangunahing katangian ng kabayanihan. Ang pakikiramay sa ganitong konteksto ay ang kakayahang maunawaan ang emosyon ng ibang tao, at kaakibat dito, ang kakayahang isipin at maramdaman kung ano ang iniisip o nararamdaman ng ibang tao.

Ang mga taong ito ay hindi nagaatubiling tumulong sa iba sa harap ng panganib o kahirapan.  Tumutulong sila sapagkat sila ay tunay na nagmamalasakit sa kaligtasan at kagalingan ng ibang tao. 

Halimbawa nito ay ang mga “frontliners’ na mga doktor, nars,  at iba pang mangggawang pangkalusugan na nagaalaga ng mga pasyenteng may Covid-19 sa mga ospital. Kaugnay dito, isang pag-aaral noong 2009 ang nakatuklas na ang mga taong may mga tendensiyang magpakabayani ay mataas din ang antas ng pakikiramay o ‘empathy’.

Ang Isang Bayani ay Nagpapamalas ng Lakas ng Loob

Ang isang bayani ay sinumang maaaring magpakita ng lakas ng loob kapag nahaharap sa isang problema. Ang bayani ay taong nakakatulong sa iba`t ibang paraan. Ang isang tao ay maaaring maging isang bayani sa pagliligtas sa kapwang  nasa panganib. Isa pang halimbawa ng bayani ay yaong tumutulong sa iba upang bigyan sila ng lakas na magpatuloy sa harap ng mga paghihirap sa buhay.

Ang isang bayani ay maaaring isang taong nagbigay ng kanyang buhay upang ang iba ay mabuhay. Sa aking palagay ito ang pinakamataas na antas ng kabayanihan. Ganunpaman, ang isang bayani ay hindi palaging kailangang ipakita ang tapang. Maaari siyang matakot ngunit maging isang bayani pa rin. Nakasalalay sa kaniyang pagkilos, may takot man o wala, ang kaniyang pagkabayani.   

Hindi Kailangan ang Kawalan ng Takot Upang Maging Bayani

Naniniwala ako na ang mga bayani ay hindi kailangang walang takot para maging isang bayani. Malamang, karamihan sa mga bayani ay may takot sapagkat sila ay tao tulad ng alin man sa atin. Ngunit nararamdaman nila ang isang obligasyong moral. Isang tinig sa loob nila ang nagsabi na kailangang kumilos may takot man o wala.

Maraming beses nang pinag-uusapan na ang mga bayani ay nakaramdam ng takot sa oras ng kabayanihan o pag-alay ng buhay. Ngunit masasabing mayroon silang ibang uri ng sobrang lakas o kalooban na nagtutulak sa kanilang kumilos o gawin ang dapat nilang gawin.

Maaari ding maging mga bayani ang mg guro o tagapayo sa paaralan. Maaari ka nilang turuan na magbasa o magsulat at sa proseso ay nagkakaroon ng malaking pagkakaiba ang iyong buhay. Hindi mo pahahalagahan o tatanawin ang serbisyong ito hanggang  ikaw ay matanda na at nagsisimula nang manalamin ng iyong buhay.

Kung Wala ang Kabayanihan ng mga Guro

Maupo ka at limiin mo na kung wala ang guro na nagturo sa iyo kung paano bumasa at sumulat ay hindi ka makapunta sa kolehiyo at makakakuha ng trabaho. Ang milyon-milyon na kaguruan ang mga bayani na hindi napapansin araw-araw at hindi nakakakuha ng pagkilala na nararapat para sa kanila.

Gayundin, pansinin natin ang mga taong naghahatid at sumusundo sa mga bata araw-araw sa paaralan, ang mga drayber ng bus o ‘service’ ng paaralan. Nasa kamay nila ang buhay ng mga maliliit na bata limang araw sa isang linggo. Dinadala nila sila sa paaralan sa umaga at hinahatid sa bahay sa hapon o sa tanghali.    Para sa akin, ang mga ganitong drayber ay mga bayani. Bayani sila na nakakaepekto sa buhay ng mga maliliit na bata na siyang lalaki at tatanda upang maging mamamayan ng Pilipinas.

Maituturing din na mga bayani ang mga taong nagpakita ng pag-uugali at pagpapasya ayon nakamamanghang etika at emosyon. Nakikita natin sa kanila ang isang bagay na sa palagay natin ay wala sa atin. Iniisip natin na hindi natin kakayanin, kailanman, sa ilalim ng anumang kondisyon, ang mga pagkilos o desisyon na ginawa nila. Dahil dito, inilalagay natin sila sa isang mataas na lugar sa lipunan o sa ating mga isipan.

Ang mga Bayani ay Nagtutulak sa Ating Kumilos

Ano ang isang bayani? Isang taong nagtutulak sa atin upang kumilos o magpasiya, dahil sa kanilang halimbawa. Sila ay mga tao na tumutusok sa ating emosyon at tayo nama’y nagkakaroon ng espiritwal na koneksyon sa kanila na parang nabubuhay pa rin sila. 

Maaaring gusto nating iidolo sila o ilagay sila sa mataas na paggalang. Maaaring gusto nating makasalimuha sila nang personal upang makamit ang kanilang lakas, talento, at kadakilaan.  

Ano ang partikular na ginagawa ng isang bayani na lumilikha ng inspirasyon sa atin? Ano ang tungkol sa kanila na gumagawa sa atin na humanga, sambahin o subukang gayahin sila? Sa maraming mga kaso, ito ay ang kanilang mga nagawa. Walang kapalit ang aksyon bilang tagapagpakilos ng lipunan.

Halimbawa, ang isang mahusay na manlalaro ng basketball katulad ni Michael Jordan ay nakagagawa ng mga kamangha-manghang mga record sa puntos, ‘rebounds’ at ‘assists’. Dahil dito, agad nating natutukoy na nagtataglay sila ng isang kadakilaan. Sila ay nagiging idolo o diyos natin. At kapagdaka, sila ay nagiging personal na bayani natin.

May Bayani sa Loob Nating Lahat

Ganito rin ang epekto sa marami ni Princess Diana, na ginawaran ng titulong ‘Prinsesa ng Bayan’. Sinasamba siya ng mundo sa kanyang pagsikat mula sa isang simpleng batang babae tungo sa isang babaeng kinikilala at itinatangi na simbolo ng kabutihan.

Nakakakonekta ang marami sa kaniya, dahil sa ang kaniyang katauhan mismo ay kumokonekta rin sa sanlibutan, sa isang   kagila-gilalas na paraan. Ang kaniyang halimbawa ay nagpatunay sa marami na ang mga ‘fairy tale’ ay nagkakatotoo sa modernong panahon. Sabihin pa ba, si Princess Diana ay isang bayani sa napakarami.

Sa pagtatapos, hindi na tayo dapat lumayo sa paghahanap ng mga bayani. Hindi na rin tayo dapat magpakahirap sa paghahanap ng depinisyon. Naniniwala ako na mayroong tayong isang bayani sa loob nating lahat. At hindi na ito dapat bigyan ng depinisyon sapagka’t ito’y nadarama natin sa damdamin natin.   

Pinapanatili niya tayong tapat, nagbibigay siya sa atin ng lakas, ginagawa niya tayong marangal, at sa kahulihulihan ay pinapayagan niya tayong mamatay nang walang pagsisisi. Kahit na minsan o ilang beses sa ating buhay ay kailangan nating maging matatag, at isuko ang mga bagay na pinaka-nanais natin. Pati ang mga pangarap natin. Iyan ang tunay na kabayanihan.

Friday, November 6, 2020

Heneral Anacleto “Lolo Etoy” Enriquez: Bayani ng Rebolusyong Pilipino

           



            Isinilang si Anacleto Enriquez noong Setyembre 25, 1876 sa San Jose, Bulakan, sa malaking tahanan ng kaniyang mga magulang, sina Don Vicente Enriquez y de Jesus at Donya Petrona Sepulveda Fernando y Gatmaytan.

Siyam ang anak nina Don Vicente at Donya Petrona: anim na lalaki at tatlong babae. Alinsunod sa edad, sila ay sina: Alfonso, Anacleto, Severina, Victoria, Paula, Vicente Jr., Jose, Laureano, at Bonifacio.

Matapos sumiklab ang Rebolusyong Pilipino sa petya Agosto 26, 1896, nahimok ang unang apat na lalaki na sina Alfonso, Anacleto, Vicente Jr., at Jose na umanib sa Katipunan.

Naging matataas na opisyal ng Katipunan ang magkakapatid na Enriquez at pawang masigasig na lumahok sa maraming matitinding labanan.

Nagpamalas ng galing at sigasig si Anacleto sa pagpapalawak ng Katipunan sa Bulakan, Bulacan. Ang unang taguri sa mumunting sangay ng Katipunan sa Bulakan ay “Balangay Uliran”. Kapagdaka’y pinalitan ito ng ngalang “Brigada Pilar” sapagka’t dali-daling sumobra sa   tatlong libo ang mga kasapi. Hindi malaon, pumailalim ito sa Balangay at Sanguniang Apuy ng Malolos, Bulakan.

Mabilis na napabantog sa hanay ng lumalawak na KKK ang tapang at husay ni Anacleto. Ito ay bukod sa kaniyang pagka-asintado sa baril, dahilan kung bakit siya binansagang “Matanglawin”. Dahil sa reputasyong ito, noong Oktubre 20 1896, sa edad na 20, hinirang siyang Heneral at pangalawang pinuno ng Katipunan sa Bulacan ni Heneral Isidoro Torres.  

Inilahad ni Tenyente Jose Enriquez, pangalawa sa bunso,  kung gaano hinangaan ng mga taumbayan ang tapang at galing sa pag-oorganisa ni Anacleto Enriquez   Mapanganib ang atas na ito kay Anacleto, sapagkat ang Katipunan noon ay isang lihim na organisasyon na itinuturing na subersibo ng mga Kastila.. Ang parusa sa pagsapi ay kamatayan.

Nakadagdag sa pang-akit ni Anacleto Enriquez ang kaniyang kakisigan, matipunong pangangatawan, maginoong tikas, magnetikong pagkatao, edukasyong Ateneo, at prominenteng angkan.

Higit sa lahat, magaling sa pampulitikang propaganda si Anacleto. Halimbawa, nagumpisa siya ng isang matagumpay na “kampanyang bulung-bulungan” hinggil sa mga abuso at kalapastanganan ng mga Espanyol, na mabilis na kumalat sa Bulakan, Kasama si Gregorio del Pilar, namudmod din siya ng rebolusyonaryong polyeto sa simbahan ng Bulakan.  Dahil sa mga kabayanihang ito, naging isang alamat si Anacleto Enriquez sa Bulakan, Bulacan.

Si Hen. Anacleto Enriquez at si Hen. Gregorio del Pilar ay mag-kababata at malapit na mag-kaibigan. Sa katunayan, ang lugar kung saan isinilang si del Pilar sa San Jose, Bulakan, Bulacan ay isang bakuran na pagmamay-ari nina Don Vicente at Donya Petrona.

Sampung buwan lang ang agwat ng kanilang kapanganakan: Setyember 26, 1876 si Anacleto at Nobyembre 14, 1875 si Gregorio. Ang palayaw ni Anacleto ay “Etoy” at ang kay Gregorio naman ay “Goyo”.

Kahit sa Ateneo Municipal de Manila sa Intramuros, kung saan sila ay magka-klase, ay nagpatuloy ang pagkakaibigan nina Etoy at Goyo. Kasama sa barkada nila ang nakababatang kapatid ni Etoy na si Vicente Enriquez Jr., na may palayaw na “Enteng”.

Dito marahil nakuha ni Vicente Enriquez Jr. ang tiwala ni Hen. Gregorio del Pilar. Si Vicente ay aakyat sa pagiging Koronel ng Katipunan at pipiliin ni Hen. Gregorio del Pilar bilang kaniyang personal na ayudante o “aide-de-camp”: isang napakalaking responsibilidad.  Isa si Kol. Vicente Enriquez Jr. sa mga kakaunting nakaligtas sa labanan sa Pasong Tirad noong Disyembre 2, 1899.

Sa kaniyang kabayanihan sa Pasong Tirad, sinasabi ng mga mananalaysay na kumuha ng inspirasyon si Hen. Gregorio del Pilar kay Hen. Anacleto Enriquez, na naunang naging rebolusyonaryong martir nang mag-buwis siya ng buhay, kasama ang mahigit walong daang Katipunero, sa madugong labanan sa loob ng simbahan ng San Rafael, Bulakan, noong Nobyembre 30, 1896.

Ayon kay Teodoro M. Kalaw, na sumulat ng isang magandang talambuhay ni Hen Gregorio del Pilar, nang mabalitaan ni Hen. Goyo ang pagkamatay ni Hen. Anacleto Enriquez, siya ay taimtim na nagwika: 

“Ano kaya ang sandata ni Etoy nang siya ay masawi sa labanan?  Para malaman ko kung paano mag-alay ng buhay para sa bayan."

May makapanindig balahibong kuwento ang lolo ko na si Bonifacio Enriquez, ang bunso ng pamilya.

 Noong Nobyembre 30, 1896, nanananghalian sa bahay sina Don Vicente at Donya Petrona. Kasama nila ang dalawang anak na lalaki na hindi lumaban  at ang tatlong anak na babae.

Sa humigit kumulang 12:30 ng tanghali, na siya namang oras ng pagkamatay ni Anacleto Enriquez sa San Rafael, nakita nila ang anino ng isang tila lumilipad na malaking ibon sa kisame ng komedor na parang nagpapaalam. 

Ang anino ay nagpakita nang ilang segundo, pagkatapos ay  lumipad palabas ng komedor sa direksyon ng kanilang salas, at nang kanilang sundan ay lumabas ito sa maluwang na bintana ng salas. 

Pagkatapos ng pangitaing ito, lumuhod at pinagdasal ng pamilya Enriquez ang mahal nilang si Etoy.